1st SINAG-LAYA PD Laguna Shooting Competition, Pinasinayaan

0
1st SINAG-LAYA PD Laguna Shooting Competition, Pinasinayaan

Bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan sa taktikal na operasyon at pagpapaigting ng seguridad para sa publiko, pormal nang inilunsad ang kauna-unahang SINAG-LAYA PD Laguna Shooting Competition sa lalawigan ng Laguna. Isa itong PPSA Level 1 sanctioned match na binubuo ng limang hamong yugto at may kabuuang minimum na 110 rounds. Layunin nitong paigtingin ang kahusayan ng mga pulis at rehistradong sibilyan sa paggamit ng kanilang baril, lalo na matapos ang pansamantalang pagbabawal bunsod ng gun ban sa nakaraang halalan.

Bagamat naantala ng dalawang linggo dahil sa masamang panahon, matagumpay pa ring naisakatuparan ang paligsahan sa ilalim ng pamumuno ni Provincial Director PCOL Jonar Yupio. Ayon sa kanya, ang aktibidad ay mahalaga upang muling masanay at mahasa ang mga gun holders sa ligtas at tamang paggamit ng kanilang mga armas.

Dagdag pa ni PCOL Yupio, mahalaga ring mabigyan ng kumpiyansa ang mga kalahok na protektahan ang kanilang sarili at ang mga sibilyan kung kinakailangan.

Sa panig naman ni PLTCOL Franco Allex Reglos, Deputy Provincial Director for Administration, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng aktibidad sa pagpapalalim ng kaalaman ng mga pulis sa paggamit ng baril. Bukod dito, inaasahan din nitong mapalakas ang kumpiyansa at mas mahikayat ang iba pang pulis na linangin pa ang kanilang kakayahan sa larangang ito.

Pinasalamatan din niya ang pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Governor Sol Aragones, sa patuloy na suporta at pagtulong upang maisakatuparan ang nasabing kompetisyon sa loob lamang ng halos dalawang buwan.

Dumalo rin sa pagbubukas ng paligsahan si Atty. Eliezer Gojas, Legal Officer mula sa Kapitolyo, bilang kinatawan ng Gobernador. Ipinahayag niya ang buong suporta ng administrasyon sa mga programa para sa kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.

Pinuri rin ni PD Yupio ang masigasig na pakikilahok ni Governor Aragones sa mga inisyatibang pangkomunidad at pangseguridad. Kabilang dito ang pagbanggit niya sa matagumpay na paglulunsad ng “Alaga sa Mamayan” na layuning maghatid ng serbisyong malapit sa puso ng mamamayan.

Sa unang araw ng kompetisyon, lumahok ang mga hepe ng pulisya mula sa 30 istasyon, dalawang mobile force companies, at isang koponan mula sa Laguna Police Provincial Office (PPO). Inaasahan namang makikibahagi ang mga sibilyang kalahok sa ikalawang araw, sa ilalim ng mahigpit na gabay ng Laguna PPO.

Ang paligsahan ay inorganisa ng Provincial Advisory Group ng Laguna PPO at nagsisilbi ring fundraising activity para sa pagbili ng mga kinakailangang kagamitan. Kasalukuyang isinasagawa ang ebalwasyon para sa tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga proyekto, at inaasahang makakakuha rin ng karagdagang suporta mula sa pambansang tanggapan ng PNP.

Ang 1st SINAG-LAYA PD Laguna Shooting Competition ay isang konkretong patunay ng masigasig na pagtugon ng Laguna PPO sa pangangalaga ng seguridad, pagpapahusay ng kasanayan, at aktibong pakikilahok sa pamahalaan sa ilalim ng isang GOByernong may SOLusyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *