Sari-sari Stores Nanguna sa Koleksyon ng Buwis ng San Pablo City; Halos Doble ang Kita mula Business Renewals

0
Sari-sari Stores Nanguna sa Koleksyon ng Buwis ng San Pablo City; Halos Doble ang Kita mula Business Renewals

San Pablo City, Laguna — Ikinatuwa ni San Pablo City Mayor Najie Gapangada ang halos dobleng pagtaas ng koleksyon ng buwis ng lungsod mula sa business permit renewals noong Enero 2026, kung saan nanguna ang mga sari-sari store bilang pinakamalaking grupo ng nagbayad ng buwis.

Ayon sa alkalde, malaking bahagi ng koleksyon ay nagmula sa mga micro-businesses, partikular ang sari-sari stores, na kanyang iniuugnay sa kampanya ng lokal na pamahalaan na gawing “kotong-free city” ang San Pablo. Layunin ng kampanya na tiyakin ang transparency sa koleksyon ng buwis at maibalik ang pondo ng bayan sa mamamayan sa pamamagitan ng maayos at tapat na serbisyo.

Batay sa datos ng City Treasurer’s Office, umabot sa ₱199.17 milyon ang koleksyon ng business permits noong Enero 2026 mas mataas ng ₱23.38 milyon kumpara sa parehong panahon noong 2025. May kabuuang 7,014 na transaksyon ang naitala, kabilang ang 5,976 business renewals at 160 bagong negosyo.

Malaking bahagi rin ng koleksyon ang nagmula sa unang beses na pagpapatupad ng online business permit system ng lungsod. Nakapagtala ito ng 1,322 digital transactions na umabot sa halos ₱13 milyon ang kabuuang online payments.
Pinuri rin ng iba’t ibang local business groups, kabilang ang ilang Chinese entrepreneurs, ang deklarasyon ng lungsod bilang kotong-free, sabay pagbibigay-diin na lahat ng bayarin sa City Hall ay may katumbas na opisyal na resibo—isang patunay ng mas pinahusay na transparency at accountability sa pamahalaang lungsod.

Aminado ang mga opisyal ng lungsod na may ilang pagkaantala sa transaksyon dahil sa isyu sa internet connectivity at kakulangan sa pamilyaridad ng ilan sa bagong online system. Gayunman, tiniyak nila na patuloy ang system improvements, information drives, at pagpapalakas ng digital infrastructure upang maging mas mabilis at episyente ang mga transaksyon sa mga susunod na buwan.

Binigyang-diin ng pamahalaang lungsod na ang mga positibong resulta ay patunay na ang malinaw na reporma, tapat na pamamahala, at pagtutulungan ng maliliit at malalaking negosyante ay mahalagang susi sa patuloy na pag-unlad ng San Pablo City.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *