Cabuyao LGU, tinitiyak ang dekalidad na mga proyekto sa kalsada at flood control

0
Cabuyao LGU, tinitiyak ang dekalidad na mga proyekto sa kalsada at flood control

Mahigpit na binabantayan ng lokal na pamahalaan ng Cabuyao ang kalidad ng mga isinasagawang road at flood control projects sa lungsod, ayon kay Mayor Dennis Hain.

Sa isang Facebook live video umaga nitong Martes, personal na ininspeksyon ni Mayor Hain ang kasalukuyang proyekto sa bahagi ng NIA Road mula Barangay Mamatid hanggang Barangay Sala. Ayon sa alkalde, makapal at maayos ang pagkakasemento ng kalsada, at malaki ang ipinagbubuti ng konstruksiyon kung ikukumpara sa ilang proyektong isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na, aniya, ay nagkakaroon na ng bitak makalipas lamang ang ilang taon.

Nilinaw ni Hain na lahat ng proyekto sa ilalim ng pamahalaang lokal ay dumaraan sa masusing pagsusuri, at tinitiyak na kwalipikado ang mga contractor. Binigyang-diin din niya na hindi pinapayagan sa lungsod ang mga contractor na nagnanais lamang magtipid at kumita nang malaki kapalit ng kalidad.

Aminado rin si Mayor Hain na sa kaniyang unang termino ay may ilang proyekto mula sa national government na dumating sa lungsod nang walang sapat na koordinasyon sa lokal na pamahalaan. Kaya’t isa sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon ngayon ang pagbibigay ng mas mahigpit na oversight upang matiyak ang maayos at dekalidad na pagpapatupad ng mga proyekto.

Bukod dito, ipinakita rin ng alkalde ang bagong gawang Cabuyao Basic Athlete School Gymnasium, kasabay ng kanyang panawagan sa mga mamamayan na linisin, pangalagaan, at pahalagahan ang mga bagong imprastrukturang ipinapatayo para sa kapakanan ng lungsod.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *