MPT South Nagkaloob ng 900 School Kits sa Ilang Paaralan sa Cavite at Parañaque bilang Suporta sa Brigada Eskwela 2025

0
MPT South Nagkaloob ng 900 School Kits sa Ilang Paaralan sa Cavite at Parañaque bilang Suporta sa Brigada Eskwela 2025

Bilang pakikiisa sa taunang Brigada Eskwela ng Department of Education na may temang “Sama-sama Para sa Bayang Bumabasa,” namahagi ang Metro Pacific Tollways South (MPT South) ng 900 school supply kits sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Cavite at Parañaque noong Hunyo 9 hanggang 11, 2025.

Layunin ng inisyatibo na tumulong sa mga pamilya sa paghahanda para sa darating na taong panuruan 2025–2026, habang sinusuportahan ang mga mag-aaral na makapagsimula ng klase nang mas handa at mas may kumpiyansa.

Kabilang sa mga paaralang tumanggap ng mga gamit-pang-eskwela ang mga nasa lungsod at bayan ng Imus, Silang, General Trias, Kawit, Bacoor, at Parañaque. Ilan sa mga ito ay:

  • Imus: Alapan II-A at II-B Elementary Schools, Malagasang II-B Barangay Hall, at Hipolito Saquilayan High School
  • Silang: Tibig Elementary School
  • General Trias: Cecilio M. Saliba Elementary School, Governor Ferrer Memorial Integrated National High School, at General Trias Memorial Elementary School
  • Kawit: Florante Ilano Elementary School at Binakayan National High School
  • Bacoor: Salinas Elementary School at Longos Elementary School
  • Parañaque: Perville Daycare Center Moonwalk, Sto. Niño Elementary School, at San Dionisio Elementary School

Ang bawat estudyante ay nakatanggap ng school kit na naglalaman ng mahahalagang gamit tulad ng ballpen, notebook, pad paper, crayons, at plastic envelope—mga pangunahing kagamitan upang mas mapadali ang kanilang pagpasok sa bagong taon ng pag-aaral.

Isa sa mga tampok ng donasyon ay ang ceremonial turnover sa Salinas Elementary School sa Bacoor, na isinabay rin sa opisyal na pagbubukas ng Brigada Eskwela 2025 sa lungsod. Dumalo sa nasabing aktibidad si Cavite 2nd District Representative Lani Mercado Revilla at nagpahayag ng kanyang pasasalamat:

“Taos-puso akong nagpapasalamat sa CAVITEX para sa kanilang aktibong pakikilahok sa Brigada Eskwela dito sa Bacoor. Malaking tulong ang inyong suporta at volunteer work sa paghahanda ng ating mga paaralan para sa ligtas at maayos na pagbabalik ng ating mga mag-aaral. Maraming salamat, CAVITEX! Sama-sama, tulong-tulong, para sa mga paaralan ng Bacoor!”

Para kay Arlette V. Capistrano, Vice President for Communication and Stakeholder Management ng MPT South, ang suporta ng kumpanya ay hindi lamang sa larangan ng imprastraktura kundi pati na rin sa edukasyon:

“Sa bawat kilometro ng aming expressway, dala namin ang layunin na mas mapalapit ang oportunidad sa mga Pilipino—at bahagi nito ang edukasyon. Ang Brigada Eskwela ay ang sama-samang pagkilos para tiyaking may kaagapay ang bawat batang Pilipino sa kanilang paglalakbay sa pagkatuto. Ipinagmamalaki naming maging bahagi ng adhikaing ito.”

Ang Brigada Eskwela donation drive ay bahagi ng mas malawak na Corporate Social Responsibility (CSR) program ng MPT South. Kabilang sa mga layunin ng kanilang mga CSR initiatives ay ang pagtutok sa edukasyon, kalikasan, kaligtasan sa daan, at kabuhayan—na lahat ay nagsusulong ng pangmatagalang kaunlaran para sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.


Tungkol sa MPT South
Ang MPT South ay isang subsidiarya ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), na siyang nagpapatakbo ng ilan sa mga pangunahing expressway sa bansa tulad ng CAVITEX, CALAX, NLEX, SCTEX, at CCLEX.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *