Nepomuceno, ipinasuspinde ang lahat ng hindi pa naipatutupad na raid sa Customs para ibalik ang kaayusan at legalidad

0
Nepomuceno, ipinasuspinde ang lahat ng hindi pa naipatutupad na raid sa Customs para ibalik ang kaayusan at legalidad

Sa kanyang unang aksyon bilang bagong hepe ng Bureau of Customs (BOC), agad na ipinag-utos ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang suspensyon ng lahat ng hindi pa naipatutupad na Letters of Authority (LOA) at Mission Orders (MO) na inilabas bago ang Hulyo 2, 2025. Layunin ng kautusang ito na ibalik ang disiplina, maiwasan ang pang-aabuso, at tiyaking ang lahat ng operasyon ay alinsunod sa batas at makatarungan.

Sakop ng memorandum na inilabas noong Hulyo 2 ang lahat ng LOA at MO mula sa Intelligence at Enforcement Groups ng BOC na hindi pa naisusagawa. Ang hakbang na ito ay tugon sa mga reklamo mula sa mga lehitimong negosyo na apektado ng mga umano’y kuwestiyonableng raid at labis na paggamit ng kapangyarihan sa pagpapatupad ng batas, na nagdulot ng pagkaantala sa kanilang operasyon at pagkawala ng tiwala sa ahensya.

Iniutos din ni Commissioner Nepomuceno na magsumite sa loob ng 24 oras ang mga kaukulang Deputy Commissioner ng kumpletong ulat hinggil sa lahat ng LOA at MO na inilabas mula Enero 1 hanggang Hunyo 30, 2025.

Layon ng suspensyon na pigilan ang mga operasyon na maaaring hindi awtorisado, luma na, o kulang sa dokumento—mga sitwasyong matagal nang itinuturing na daan sa mga iregularidad at pang-aabuso sa pagpapatupad ng batas. Sa hakbang na ito, malinaw na ipinapakita ni Nepomuceno ang kanyang kontrol at hangarin na baguhin ang kultura ng enforcement sa loob ng BOC.

Ang patakarang ito ay naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na linisin at propesyonalisahin ang burukrasya, at paigtingin ang kampanya laban sa smuggling nang hindi lalabag sa legal na proseso. Sa ilalim ng pamumuno ni Nepomuceno, inaasahang isusulong ng BOC ang malalimang reporma na inuuna ang tamang pagpapatupad ng batas at ang muling pagbabalik ng tiwala ng publiko sa ahensya.

“This is not about slowing down enforcement—it’s about doing it right,” diin ni Nepomuceno.

Sa makapangyarihang hakbang na ito, malinaw ang layunin ng bagong pinuno ng Customs: magkaroon ng mas disiplinado, responsable, at repormadong ahensya—na gumagalaw ayon sa batas, walang kinikilingan, at may pananagutan sa publiko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *