BABAENG TURISTA, NALUNOD NG TUMAOB ANG SINASAKYANG BANANA BOAT SA INFANTA, QUEZON

Nalunod ang isang babaeng turista matapos tumaob ang sinasakyan niyang banana boat sa Dinahican, Infanta, Quezon, nitong Huwebes ng hapon, Mayo 29.
Kinilalang ang nasawi na si Mary Crist Domingo Soreño, 45 taong gulang, taga Concepcion compound, Barangay Pag-asa, Binangonan, Rizal.
Ayon sa report ng Infanta police, dakong alas-3:00 ng hapon, umarkila ng banana boat ang grupo ni Soreño bilang bahagi ng kanilang bakasyon sa Berna’s Beach Resort sa Infanta.

Subalit habang nasa gitna ng karagatan, biglaang hinambalos ng malaking alon ang banana boat, na naging sanhi ng pagtaob nito.
Tatlong crew member ng banana boat ang agad na nagtangkang sagipin ang biktima, subalit tuluyan na umano siyang lumubog at nalunod sa kabila ng suot umano niyang life vest.
Nang maiahon, dinala pa ito sa Claro Memorial District Hospital at pilit na isinasalba ngunit idineklara na siyang wala ng buhay ng mga doktor.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng Infanta Police Station upang matukoy ang iba pang detalye at ang kung may pananagutan ang may-ari ng resort sa nangyaring trahedya.
