Tuloy-tuloy na suporta sa edukasyon ng Calambeño, 126,000 mag-aaral, nakinabang sa programang pang-edukasyon ng Calamba
Calamba City, Laguna — Ipinagpatuloy ng Pamahalaang Lungsod ng Calamba ang pamamahagi ng Learner’s Kit at mga kagamitang pang-eskuwela sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan, sa pangunguna ni Mayor Ross Rizal, nitong Pebrero 9, 2026 sa Calamba Elementary School.
Ayon kay Mayor Rizal, nasa ika-apat na taon na ang tuloy-tuloy na programang ito na naglalayong suportahan ang edukasyon ng kabataan sa lungsod. Noong nakaraang taon lamang, umabot sa humigit kumulang 126,000 estudyante ang nakinabang sa programa mula daycare, elementarya, junior at senior high school, hanggang sa mga mag-aaral ng City College of Calamba.

Bukod sa Learner’s Kit, patuloy rin ang pamamahagi ng mga bag at iba pang school supplies para sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan sa lungsod, bilang bahagi ng adhikain ng lokal na pamahalaan na gawing mas accessible at dekalidad ang edukasyon.
Ibinahagi rin ng alkalde na mayroon nang tatlong bagong national high school na nabuksan sa Calamba, kabilang ang Turbina National High School, Kay-Anlog National High School, at ang Sirang Lupa National High School na inaasahang magbubukas sa susunod na linggo.
Dagdag pa rito, nakabili na rin ng mga lupa sa ilang barangay na wala pang national high school, na nakatakdang tayuan ng mga paaralan ngayong taon.

Bahagi rin umano ang Lungsod ng Calamba ng EDCOM sa Kongreso, kung saan aktibong nakikilahok ang lungsod sa pagbalangkas ng mga programa at solusyon sa mga suliraning kinakaharap ng sektor ng edukasyon sa bansa.
“Patuloy nating tinutulungan hindi lamang ang ating mga estudyante kundi pati na rin ang ating mga guro upang makasabay sa mga bagong kaalaman at pamamaraan sa pagkatuto,” pahayag ni Mayor Rizal.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, muling pinagtitibay ng Pamahalaang Lungsod ng Calamba ang pangako nito sa pagpapaunlad ng edukasyon at sa paghubog ng mas maliwanag na kinabukasan para sa kabataang Calambeño.

- Tuloy-tuloy na suporta sa edukasyon ng Calambeño, 126,000 mag-aaral, nakinabang sa programang pang-edukasyon ng Calamba - February 9, 2026
- House revives long-delayed effort to implement Anti-Political dynasty provision - February 9, 2026
- Sari-sari Stores Nanguna sa Koleksyon ng Buwis ng San Pablo City; Halos Doble ang Kita mula Business Renewals - February 4, 2026
