LIBRENG DIALYSIS CENTER, BINUKSAN SA PAKIL; MGA PASYENTE SA 4TH DISTRICT AT KALAPIT NA BAYAN, MAKIKINABANG

0
LIBRENG DIALYSIS CENTER, BINUKSAN SA PAKIL; MGA PASYENTE SA 4TH DISTRICT AT KALAPIT NA BAYAN, MAKIKINABANG

Binuksan ngayong Agosto 10, Lunes, ang bagong Free Dialysis Center sa Gen. Cailles Memorial District Hospital sa Pakil, Laguna, na layong mailapit ang libreng dialysis treatment sa mga residenteng nangangailangan nito, partikular sa mga mula sa Fourth District ng Laguna at mga kalapit na bayan.


Pinangunahan ni Governor Sol Aragones ang pagbubukas ng pasilidad at personal na nakipagkita sa mga unang benepisyaryo, kasama si Dr. Odilon Inoncillo ng Provincial Health Office (PHO).


Bukod sa libreng dialysis treatment, makatatanggap din ng kalahating kaban ng bigas bawat buwan ang mga kwalipikadong pasyente bilang karagdagang tulong sa kanilang regular na gamutan at pang-araw-araw na pangangailangan.


“Libre lahat. Sumbong n’yo sa akin kapag may nagpabayad sa inyo. Walang sisingilin, walang bayad lahat, pati bigas libre.” -Aragones


Ang bagong pasilidad ay magbibigay ng libreng dialysis treatment sa mga kwalipikadong pasyente, na malaking tulong upang mabawasan ang patuloy na gastusin ng mga pamilyang may miyembrong nangangailangan ng regular na dialysis.


Samantala, isinusulong din ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagtatayo ng karagdagang dialysis centers sa iba pang district hospitals sa Laguna upang mas maraming residente ang magkaroon ng access sa libreng serbisyong pangkalusugan na mas malapit sa kanilang mga komunidad.


Patuloy rin ang pagpapatupad ng iba pang health programs ng lalawigan, kabilang ang libreng gamot, pagbabakuna, at medical assistance para sa mga nangangailangang Lagunense.


Sa pagbubukas ng Free Dialysis Center sa Pakil, muling binigyang-diin ng Pamahalaang Panlalawigan ang layunin nitong gawing mas abot-kamay, libre, at accessible ang mahahalagang serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan ng Laguna.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *