Admiral nauugnay sa ₱20 milyon, LC300, at umano’y pagkanulo sa tiwala ng bayan

0
Admiral nauugnay sa ₱20 milyon, LC300, at umano’y pagkanulo sa tiwala ng bayan

Lubhang nakakabahala ang mga impormasyong patuloy na lumulutang hinggil sa umano’y ugnayan ng isang mataas na opisyal ng hukbong-dagat—isang maimpluwensyang admiral na nakatalaga sa Mindanao—sa isang indibidwal na tinutukoy bilang alyas “H.” Ayon sa mga impormasyong nakalap, ang naturang ugnayan ay sinasabing may kaakibat na halagang ₱20 milyon at isang brand new na Toyota LC300.

Kung mapapatunayang totoo, ang mga alegasyong ito ay hindi maituturing na simpleng usapin. Isa itong seryosong akusasyon ng katiwalian na tuwirang sumasalungat sa tiwala ng taumbayan sa pamahalaan at sa mga institusyong may tungkuling pangalagaan ang soberanya at seguridad ng bansa.

Mas lalo pang pinatitindi ng mga ulat ang pagdududa matapos mabanggit ang umano’y pagpapahintulot sa paggamit ng mga daungan sa Municipality of Siasi at Municipality of Parang, partikular sa Barangay Lagasan sa lalawigan ng Sulu. Ang sinasabing kargamentong sigarilyo at bigas ay hindi umano tumutugma sa laki ng halagang sinasabing kapalit, dahilan upang kuwestiyunin kung ito ba ay karaniwang kalakalan o bahagi ng mas malalim na iligal na operasyon.

Sa ganitong konteksto, hindi maiwasang itanong: sino ang tunay na nakikinabang, at sino ang posibleng pinagtatakpan?

Ayon pa sa impormasyong ibinahagi ng isang source, may kondisyon umanong inilatag ang nasabing admiral na siya lamang ang maaaring direktang kausapin ni alyas “H,” at hindi dapat makialam ang iba pang ahensiya ng gobyerno. Kung mapapatunayan, malinaw itong indikasyon ng pagtatangkang ihiwalay ang transaksyon mula sa anumang pagsusuri at pananagutan—isang hayagang paglabag sa prinsipyo ng checks and balances.

Mas nakababahala ang ulat na sinasabing ang admiral lamang umano ang binabayaran, habang “out” na ang iba pang ahensiyang may mandato sa ganitong mga operasyon tulad ng Bureau of Customs, NBI, Philippine Coast Guard, at PNP. Kung totoo, ito ay nagpapakita ng garapalang pagyurak sa tungkulin at awtoridad ng mga institusyong ito.

Hindi ito simpleng personal na usapin. Isa itong pambansang isyu na may direktang implikasyon sa seguridad at integridad ng estado. May mga pangambang ang ganitong uri ng katiwalian ay maaaring magbukas muli ng espasyo para sa pagbabalik ng mga armadong grupo tulad ng Abu Sayyaf, lalo na sa mga sensitibong lugar.

Sa kabila ng imahe ng pagiging “malinis” at mapili sa mga galaw, lumilitaw ang mga alegasyong naglalarawan ng umano’y pang-aabuso sa kapangyarihan. Sa ganitong sitwasyon, tungkulin ng taumbayan na magsalita, magbantay, at manindigan para sa katotohanan at pananagutan.

Dahil dito, nananawagan ang aming hanay maging ang madla sa mga kinauukulan na magsagawa ng agarang, malaya, at masusing imbestigasyon. Kung mapapatunayang may pananagutan, nararapat lamang na panagutin sa ilalim ng batas at tanggalin sa puwesto ang sinumang sangkot—anumang ranggo o impluwensya ang taglay nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *