Muling ipinamalas ang kahalagahan ng mga tagapaghatid ng impormasyon sa ginanap na General Assembly ng Laguna Information Officers Network (LION) noong Huwebes, Agosto 7, 2025, sa Kapitolyo ng Sta. Cruz, Laguna. Layunin ng pagtitipon ang higit pang pagtibayin ang ugnayan sa pagitan ng Provincial Public Information Office at ng mga City/Municipal Information Officers mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan.
Muling nahalal bilang pangulo ng LION si Aristotle Mane, City Information Officer ng Cabuyao. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang panahon ng pagbabagong hatid ng mga information officer:
“Ito na ang panahon ng mga Information Officers,” ani Mane, matapos mapakinggan ang mga plano nina Laguna Governor Sol Aragones, Communications Head Doland Castro, at ng buong PIO team ng Kapitolyo.
“Mahalaga ang Tamang Impormasyon” – Gov. Sol Aragones
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Gob. Sol Aragones ang papel ng katotohanan at tamang impormasyon sa mabisang komunikasyon sa publiko.
“Mahalaga ang impormasyon. Mahalaga rin na tama ang impormasyong binibigay natin sa mga tao,” aniya. Ibinahagi rin niya ang mga mahahalagang aral mula sa kanyang karanasan sa ABS-CBN: “Bottomline po ay pag gumawa ka ng balita, ng kwento, dapat maiintindihan ito ng lahat.”
Kaugnay nito, ipinaliwanag niya ang kanyang adbokasiyang “solution-based governance”:
“Hinahanap ko ang pangit para solusyunan, hindi para manisi.” Ang mensahe niya ay malinaw — ang pampublikong serbisyo ay nararapat na maghatid ng solusyon, hindi sisihan.
Mariin ding nanindigan ang Gobernadora laban sa maling impormasyon:
“Palakasin natin ang impormasyon. No to fake news tayo.” Binigyang-diin niya ang patuloy na seminar, workshop, at pagsasanay na inihahanda ng pamahalaan upang masiguro ang tama, napapanahon, at madaling maunawaang impormasyon — mula Kapitolyo hanggang mga barangay.
Nagbigay rin siya ng mensahe ng suporta sa mga mamamahayag:
“Kaharap ko ang kapwa ko mamamahayag. Huwag kayong mag-alala, aakayin namin kayo at aalagaan sa GOByernong may SOLusyon.”
Pagpapalakas sa Grassroots Communication
Ayon kay Doland Castro, Communications Head ng Kapitolyo, layunin ng LION na maging matatag na backbone ng lalawigan sa grassroots communication. Mahalaga aniya na hindi ma-misinterpret ang mga impormasyong ipinalalabas ng pamahalaan.
Samantala, iminungkahi ni Laguna PIO Head Danilo Lucas na dapat ay may sariling Public Information Officer ang bawat barangay upang mas mapaigting ang information dissemination, lalo na sa panahon ng kalamidad:
“Mabilis na information dissemination ang kailangan, lalo na sa emergency. Dapat magsimula sa ibaba ang komunikasyon,” ani Lucas. Dagdag pa niya, ito ay pangunahing paraan upang labanan ang fake news at misinformation.
Nagpahayag din ng suporta si Noel Alamar, Pangulo ng Laguna Capitol Press Corps. Aniya, ang pagkakaisa sa komunikasyon ay susi sa tagumpay.
“Working together works,” aniya, habang inalala ang matagumpay na pagtutulungan nila sa isang event sa Cabuyao. Kinikilala niya ang papel ng kanilang grupo bilang tulay sa pagitan ng pamahalaan at LGUs.
Information as Power – DILG
Nagpahayag din ng buong suporta si DILG Provincial Director Jay Beltran:
“We totally believe that information is power. Whoever controls the narrative, controls the story, the messaging,” aniya. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng iisang direksyon sa pagpapalaganap ng impormasyon: “One messaging is crucial. Share the same information, mas mabilis.”
Pinuri rin niya si Gobernadora Sol sa pagbibigay ng mga pagsasanay upang palakasin ang kakayahan ng mga lokal na tagapaghatid ng impormasyon.
Bagong Hanay ng mga Opisyal ng LION (2025):
President: Aristotle Mane (Cabuyao)
VP for Internal Affairs: Jhe-Rico Sam Colina (San Pedro)
VP for External Affairs: Angela Silvania (NIA-Pila)