KINATAWAN NG BIÑAN, NAGHAIN NG 8 PANUKALANG BATAS AT 1 RESOLUSYON SA KONGRESO

Masigasig na isinusulong ng Kinatawan ng Nag-iisang Distrito ng Biñan ang kapakanan ng kanyang mga nasasakupan sa pamamagitan ng paghahain ng walong (8) panukalang batas at isang (1) resolusyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon sa mambabatas, ang mga inihain niyang panukala ay tumutugon sa mga isyung may kinalaman sa pambansang reporma at lokal na pangangailangan, kabilang na ang kalikasan, sistemang legal, kasaysayan, kultura, at karapatang pantao.
Isa sa mga pangunahing hakbangin na kanyang isinulong ay ang resolusyong naglalayong mapagtuunan ng pansin ang isyu ng palagiang pagbaha sa mga lugar sa paligid ng Laguna Lake. Layunin nitong isulong ang dredging o pagpapalalim ng lawa, bilang isang posibleng solusyon sa lumalalang problema sa baha.
“Bukod sa pagbawas ng pagbaha, layunin rin nating itaas ang kalidad ng tubig sa Laguna Lake,” ani ng kinatawan. Dagdag pa niya, ang suliraning ito ay hindi lamang problema ng Biñan kundi ng iba pang siyudad at bayan na matatagpuan sa baybayin ng lawa.


Narito ang walong panukalang batas na inihain ng kinatawan:
- Expanded Family Code Reform Act – Layuning palakasin ang karapatan at proteksyon ng bawat miyembro ng pamilyang Pilipino sa ilalim ng umiiral na batas.
- Online Gambling Prohibition Act – Naglalayong ipagbawal ang online gambling upang maprotektahan ang mamamayan, lalo na ang kabataan, mula sa negatibong epekto ng sugal.
- Administrative Support Claims Act of 2025 – Tinitiyak na makakatanggap ng tamang benepisyo ang mga administrative personnel sa sektor ng pamahalaan.
- Biñan Heritage Zone Act – Nagtatadhana ng pagtatakda sa piling lugar sa lungsod bilang Heritage Zone upang mapangalagaan ang makasaysayang pamanang-kultura ng Biñan.
- Panukalang Batas para sa Apportionment ng Lone Legislative District ng Biñan – Tinutugunan ang usapin sa patas at epektibong representasyon ng lungsod sa Kongreso.
- Pag-amyenda sa Section 24 ng National Internal Revenue Code – Nagsusulong ng reporma sa sistema ng pagbubuwis para sa mas epektibong pangongolekta at paggamit ng buwis.
- Pag-amyenda sa Sections 15 at 16 ng Republic Act 10071 (National Prosecution Service Act of 2010) – Nilalayon ang pagpapalakas ng kakayahan ng National Prosecution Service.
- Pag-amyenda sa Article 365 ng Revised Penal Code – Tumutok sa mas makatarungang penalidad kaugnay ng mga kasong reckless imprudence.
Sa kabuuan, ang mga inisyatibang ito ay nagpapakita ng malinaw na layunin ng kinatawan na makapaghatid ng makabuluhang pagbabago — hindi lamang sa lungsod ng Biñan kundi para rin sa kapakanan ng buong sambayanang Pilipino.

- LaguNanay, Nanguna sa Pagtulong sa mga Biktima ng Landslide sa San Pedro City - July 19, 2025
- KINATAWAN NG BIÑAN, NAGHAIN NG 8 PANUKALANG BATAS AT 1 RESOLUSYON SA KONGRESO - July 12, 2025
- Higit 50 Poste ng Kuryente tatanggalin sa Los Baños para maibsan ang matinding Trapiko — Gov. Aragones - July 4, 2025