LaguNanay, Nanguna sa Pagtulong sa mga Biktima ng Landslide sa San Pedro City

0
LaguNanay, Nanguna sa Pagtulong sa mga Biktima ng Landslide sa San Pedro City

Pinangunahan ni Laguna 1st District Representative Ann Matibag ang agarang pamamahagi ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng landslide sa Barangay Sampaguita noong gabi ng Huwebes, Hulyo 17.

Naganap ang pagguho ng lupa bandang alas-10 ng gabi dahil sa malakas na ulang dala ng Bagyong “Crising” at pinalakas pang habagat, na nagdulot ng pagkasira sa mga tirahan ng pitong pamilya o kabuuang 37 katao.

Agad na nagtungo si Rep. Matibag, na kilala rin bilang “LaguNanay,” sa lugar ng insidente upang personal na mamahagi ng tulong. Bawat pamilyang apektado ay nakatanggap ng ₱10,000 na cash assistance, grocery packs, at hygiene kits. Ang relief operation ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of Civil Defense (OCD), at Zonta Club of Laguna.

“Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang ating mga kababayan,” ayon kay Matibag, kasabay ng panawagan para sa pagkakaisa at mabilis na pagkilos para sa muling pagbangon ng mga naapektuhan.

Nanawagan din siya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang kinauukulang ahensya na agad simulan ang rehabilitasyon upang maiwasan ang dagdag na panganib.

Pansamantalang nanunuluyan ang mga pamilyang nawalan ng bahay sa Barangay Hall na itinalagang evacuation center habang patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa posibilidad ng karagdagang pagguho dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *