People Power 40 Kick-Off Concert, dinagsa ng mahigit 20,000 katao

0
People Power 40 Kick-Off Concert, dinagsa ng mahigit 20,000 katao

Mahigit 20,000 katao ang dumagsa sa Quezon Memorial Circle noong Sabado para sa People Power 40 Kick-Off Concert, na nagsilbing makulay at “groundbreaking” na pagsisimula ng paggunita sa mapayapang rebolusyon na nagpanumbalik ng demokrasya sa Pilipinas.

Batay sa pagtaya ng pamahalaang lungsod ng Quezon City, lumobo sa higit 20,000 ang dumalo sa event na inorganisa ni Mayor Joy Belmonte at ng Mayors for Good Governance (M4GG), kasama sina Senador Bam Aquino at ang Kaya Natin! Movement for Good Governance and Ethical Leadership (KN). Sa temang “Awit at Aksyon Kontra Korapsyon,” lumihis ang programa sa tradisyunal na seryosong tono ng mga nakaraang paggunita sa EDSA People Power I.

Tampok ang pagtatanghal ng mga mang-aawit, rock bands, rappers, stand-up comedians, at isang dance group — na nagbuklod sa iba’t ibang henerasyon at nag-ugnay sa lahat ng manonood. Binuksan ng acoustic icon na si Ice Seguerra ang concert sa kanyang emosyonal na pag-awit ng “Bayan Ko,” na isinulat noong 1928 sa panahon ng pakikibaka ng bansa laban sa mga Amerikanong mananakop. Nagsilbing backdrop ang light show sa Quezon Memorial Circle pylon habang inaawit niya kanta. “Mag-iisang daang taon na, kinakanta pa rin natin siya. At nalulungkot po akong kinakanta pa rin natin siya. At ang hirap kasi, noong sinulat ang awit na yun, malinaw kung [sino] ang kalaban natin. Pero ngayon mas mahirap dahil, sariling lahi natin ang tumatarantado sa ating lahat,” ani Seguerra.

Nagbigay-pugay sina Elmo at Arkin Magalona sa alaala ng kanilang amang si Francis Magalona sa pamamagitan ng pag-awit ng ilan sa kanyang mga kilalang kanta na nagbigay sa kanya ng titulong “King of Rap,” kabilang ang “1-800-Ninety-Six,” “Kaleidoscope World,” at ang crowd-favorite na “Ito Ang Gusto Ko.”

Pinatawa naman ng stand-up comedians na sina Alex Calleja at Red Ollero ang mga manonood sa kanilang mga birong tumalakay sa mga napapanahong isyu at sa pang-araw-araw na hamon ng mga Pilipino. Kasunod nito, pinakiling ni Ebe Dancel ang manonood sa mga kantang “Burnout,” “Makita Kang Muli,” at “Bawat Daan,” na sinundan ni Amiel Sol sa “Ikaw Lang Patutunguhan,” “Nahanap Kita,” at “Sa Bawat Sandali.” Inawit ni Nica Del Rosario, composer at mang-aawit ng 2022 campaign hit na “Rosas,” ang “Tala” at nakipag-collaborate kay rapper Pio Balbuena sa kantang “Kapangyarihan.”

Ipinagpatuloy ni Balbuena ang kanyang solo performance sa “44 Bars,” “Republika ng Tambay,” at “Akinse.” Pinagliyab ng hip-hop group na Morobeats ang entablado sa kanilang mga kantang “Di Papasakop,” “Magna,” at “Anak Ka ng Pu,” na tumutuligsa sa korapsyon sa gobyerno at sa patuloy na pangha-harass ng China sa mga barkong Pilipino sa West Philippine Sea at sa walang basehang pag-angkin sa teritoryo ng Pilipinas.

Pinahanga ng Femme MNL, na binubuo ng LGBTQIA+ dancers, ang manonood sa kanilang Rihanna set, habang pinasigla ng rock band na Chelsea Alley ang concert sa kanilang awiting “We Are,” “Camouflage,” at “Heneral.” Inawit naman ni OPM legend na si Janno Gibbs ang kanyang hit na “Pinakamagandang Lalaki” at nakipag-duet Ogie Alcasid sa kantang “Handog ng Pilipino.”

Inawit din ni Alcasid ang kanyang mga hit na “Sige Laglagan Na” at “Nandito Ako,” na sinundan ng Over October sa “Dahan,” “Bitin,” at “Ikot.” Pinakilig ni Earl Agustin ang mga manonood sa “Tibok,” “Pag Ibig ng Ikaw at Ako,” at “Dalangin,” bago umakyat sa entablado ang Rivermaya, kasama ang Quezon City Symphonic Band, upang itanghal ang “You’ll Be Safe Here,” “Umaaraw, Umuulan,” at “Awit ng Kabataan.” Tinapos ng mga Magalona ang palabas sa “Ito Ang Gusto Ko,” na sinundan ng 10 minutong fireworks display na nagliwanag sa kalangitan — isang makulay na pagtatapos sa selebrasyon ng pagkakaisa, tapang, at pag-asa.

Nagsilbing hosts sina talent manager at showbiz insider na si Ogie Diaz, kasama sina Mama Loi Villarama, DJ JhaiHo, Bea Binene, at Iza Calzado. Tampok naman sa pre-show ang Madeline, Hey Moonshine, Stonefree, Chloe Redondo, Jkris Dantes, Crispin, Sisa and Bassilyo, TSN Drag, Mz. Chronicles, at Jasmine Dudley-Scales. Dahil sa matagumpay na konsiyerto marami ang nagsasabi na nagsilbi ito bilang bagong paraan ng pag-alala at pagbibigay-pugay sa EDSA People Power I. Sa pagsasanib ng alaala at matitinding panawagang papanagutin ang mga tiwaling opisyal, ang concert ay isang tunay na makabuluhang paraan upang simulan ang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA 1.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *