Rep. Lee, Suportado ang Panukala ni Speaker Romualdez na Gawing Permanente ang P20/kilo na Presyo ng Bigas

Buong suporta ang ibinigay ni AGRI Party-list Representative Wibert “Manoy” Lee sa isinusulong ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na gawing masusteni o pangmatagalan ang P20 kada kilong bigas—bilang pagtugon sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magkaroon ng abot-kayang bigas at mas matibay na suporta sa mga magsasaka.
Kamakailan ay nakipagpulong si Romualdez kina Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. at Undersecretary Alvin John Balagbag, kung saan nangakong siya mismo ang magsusulong ng mga panukalang batas para maisabatas ang food security agenda ng Pangulo.
“Buo po ang suporta natin kay Speaker Martin Romualdez para gawing permanente ang P20 per kilo na bigas para sa lahat ng Pilipino. Ito rin po ang isinusulong natin sa House Bill No. 9020 o ang ‘Cheaper Rice Act,’” pahayag ni Rep. Lee sa panayam ng media sa Mababang Kapulungan nitong Martes.
“Lagi nating sinasabi: kapag sinuportahan ang agrikultura, panalo ang masa. Kung maibibigay natin ang sapat at tuluy-tuloy na suporta sa ating mga magsasaka—masisiguro natin ang kanilang kita, mahihikayat silang pataasin ang produksyon, lalaki ang supply, at bababa ang presyo ng bigas sa merkado,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng HB 9020, inaatasan ang DA at iba pang ahensyang may kaugnayan na bilhin ang lokal na palay sa presyong P5 hanggang P10 na mas mataas kaysa kasalukuyang farmgate price. Layunin nito na mapataas ang kita ng mga magsasaka habang unti-unting pinapababa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Bilang karagdagang suporta sa panukalang “Cheaper Rice Act,” isinusulong din ni Lee ang pagpapalawak ng post-harvest facilities, pagpapabuti ng market linkages, at pagtatayo ng mas maraming Kadiwa centers sa buong bansa sa pamamagitan ng HB 3958 at HB 3957.
Bilang masigasig na tagapagtanggol ng food security, patuloy si Rep. Lee sa pagsusulong ng mga batas na layuning pababain ang presyo ng pagkain at protektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at food producers.
Ilan sa mga pangunahing batas na kanyang isinulong at naisabatas ay ang Republic Act No. 12022 o “Anti-Agricultural Economic Sabotage Act,” RA No. 11953 o ang “New Agrarian Emancipation Act,” at RA No. 11985 o ang “Philippine Salt Industry Development Act.”
Hinikayat din ni Lee ang DA na gawing mas simple at mabilis ang mga requirements para sa pamamahagi ng mga makinarya at serbisyo sa mga magsasaka at mangingisda upang agad nila itong mapakinabangan.
“Napakalaking tulong kung sisimplehan at pabibilisin ng DA ang proseso. Imbes na kilo-kilometrong requirements, gawin na lang itong madali at direkta para mapakinabangan agad ng ating mga magsasaka at mangingisda ang pre- at post-harvest support,” giit ni Lee.
- LaguNanay, Nanguna sa Pagtulong sa mga Biktima ng Landslide sa San Pedro City - July 19, 2025
- KINATAWAN NG BIÑAN, NAGHAIN NG 8 PANUKALANG BATAS AT 1 RESOLUSYON SA KONGRESO - July 12, 2025
- Higit 50 Poste ng Kuryente tatanggalin sa Los Baños para maibsan ang matinding Trapiko — Gov. Aragones - July 4, 2025