Libre na ang review sa board exam sa Pamantasan ng Cabuyao – Mayor Hain
Inanunsyo ni Mayor Dennis “DENHA” Hain na simula ngayong taon ay wala nang babayarang review fee ang mga graduates ng Pamantasan ng Cabuyao (PNC) na kukuha ng board exam, bilang tulong at suporta ng pamahalaang panlungsod.
Ibinahagi ang anunsyo nitong Lunes matapos dumalo ang mga opisyal ng lungsod sa flag raising ceremony sa PNC, na sinundan ng magandang balita para sa mga mag-aaral sa kolehiyo.

Magsisimula ang programa sa mga nursing graduates, katuwang ang isang review partner. Isasagawa ang review sa PNC, habang ang pamahalaang panlungsod ang sasagot sa iba pang kinakailangang pondo at suporta.
Suportado ng Sangguniang Panlungsod ang programa, na naisakatuparan bilang resulta ng mas pinaigting na koleksyon mula sa mga taxpayers—isang benepisyong unang mapapakinabangan ng mga future leaders at professionals ng lungsod.

Nagpasalamat din si Mayor Hain sa pamunuan at komunidad ng PNC sa patuloy na suporta sa mga programa ng lungsod noong 2025.
📌 Inaasahang palalawakin pa ang programa sa iba pang kurso at kasalukuyang pinag-aaralan ang posibilidad na maisama rin ang mga pribadong paaralan.

