BamBini: Aquino, pinuri ang BINI sa pagdadala ng karangalan sa bansa; kinantahan ng grupo sa kanyang kaarawan
Pinuri ni Bam Aquino ang Filipino P-pop group na BINI sa pagdadala ng karangalan sa bansa at sa pagpapakita ng galing at sining ng Pilipino sa pandaigdigang entablado matapos ang kanilang makasaysayang pagtatanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa Indio.
Sa pagbisita ng grupo sa Senado noong Miyerkules, tinanggap ng BINI ang parchment copy ng Senate Resolution No. 370 na inihain ni Aquino bilang pagkilala sa kanilang mga performance noong Abril 10 at 17, 2026 sa isa sa pinakamalalaking music festivals sa mundo.
“Sa kauna-unahang pagkakataon, isang Filipino act ang nagtanghal sa isa sa pinakamalaking music festivals sa buong mundo. Masasabi natin na ang tagumpay na ito ay isang salamin ng galing at talento ng Pilipino sa pandaigdigang entablado,” ani Aquino sa kanyang sponsorship speech.
Ayon pa sa senador, ang tagumpay ng BINI ay nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataang Pilipino upang mangarap at maniwala na kaya rin nilang maabot ang “world stage.”
Binigyang-diin din niya na hindi lamang ito tagumpay para sa industriya ng musika kundi para sa buong Pilipinas dahil ipinapakita nito ang lumalaking potensyal ng creative economy ng bansa.
Kasabay nito, kinantahan naman ng birthday song ng “Nation’s Girl Group” si Aquino, na nagdiwang ng kaarawan noong Huwebes. Sinabayan pa ng senador ng kaunting sayaw ang pag-awit ng grupo.
Ibinahagi rin ni Aquino na certified fans ng BINI ang kanyang mga anak na sina Rory at Coco.
“Pinagmamalaki ko na ang aking mga anak ay kabilang sa ‘Bloom’ community at pati shared Spotify account namin ay halos puro BINI ang kanta,” aniya.
- CALAX Recognized with Three GREEN Awards for Championing Environmental Sustainability - July 30, 2026
- Enchanted Kingdom to Unveil More Magical, Educational Attractions as It Celebrates 30th Anniversary - July 28, 2026
- 𝐂𝐀𝐑𝐃 𝐌𝐁𝐀, 𝐈𝐂𝐌𝐈𝐅 𝐅𝐨𝐮𝐧𝐝𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧 𝐡𝐨𝐥𝐝 𝐟𝐢𝐫𝐬𝐭 𝐌𝐮𝐭𝐮𝐚𝐥 𝐌𝐢𝐜𝐫𝐨𝐢𝐧𝐬𝐮𝐫𝐚𝐧𝐜𝐞 𝐍𝐞𝐭𝐰𝐨𝐫𝐤 𝐒𝐞𝐦𝐢𝐧𝐚𝐫 𝐭𝐨 𝐬𝐭𝐫𝐞𝐧𝐠𝐭𝐡𝐞𝐧 𝐩𝐫𝐨𝐭𝐞𝐜𝐭𝐢𝐨𝐧 𝐟𝐨𝐫 𝐥𝐨𝐰-𝐢𝐧𝐜𝐨𝐦𝐞 𝐟𝐚𝐦𝐢𝐥𝐢𝐞𝐬 - July 28, 2026
