CARD Indogrosir, binuksan ang ika-100 na sangay sa Cavite

0
CARD Indogrosir, binuksan ang ika-100 na sangay sa Cavite

TRECE MARTIRES CITY, CAVITE – Isa pang mahalagang hakbang ang naisakatuparan ng CARD Indogrosir matapos nitong pormal na buksan ang ika-100 nitong sangay sa Trece Martires, Cavite noong Hulyo 31, 2026, bilang bahagi ng patuloy nitong pagsuporta sa mga lokal na microentrepreneur at maliliit na negosyante.

Ang CARD Indogrosir, grocery distributor ng CARD MRI na katuwang ang Salim Group ng Indonesia, ay naglalayong gawing mas abot-kaya at mas madaling ma-access ng mga sari-sari store owner, mobile vendor, food cart operator, at iba pang maliliit na negosyo ang kanilang mga pangunahing paninda.

Itinayo ang bagong sangay sa Trece Martires upang makatulong sa mga lokal na negosyante na mapanatiling kompetitibo ang kanilang mga negosyo sa gitna ng patuloy na pagdami ng convenience store at malalaking retail establishment sa mga komunidad.

Sa pamamagitan ng wholesale products na iniaalok sa mas mababang presyo, inaasahang mapaglilingkuran ng sangay ang mahigit 2,000 sari-sari store owner at iba pang microentrepreneur sa lugar.

Ayon kay CARD Indogrosir Executive Vice President Frederick Nicasio Torres, nananatiling mahalagang bahagi ng mga komunidad ang sari-sari store dahil nagsisilbi itong madaling puntahan ng mga residente para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

“Mananatili ang mga sari-sari store bilang puso ng komunidad ng mga Pilipino,” ani Torres. Binigyang-diin din niya na patuloy nilang susuportahan ang mga maliliit na tindahan dahil mahalaga ang mga ito sa pagpapatatag ng lokal na ekonomiya.

Samantala, upang mapadali ang pagkuha at pagre-restock ng mga paninda, nag-aalok ang CARD Indogrosir ng digital ordering at direktang delivery sa pamamagitan ng CARD Ottokonek app.

Ayon naman kay CARD Indogrosir Business Development Head Jeffrey Rilles, ang pagbubukas ng ika-100 sangay sa loob lamang ng tatlong taon ay nagpapakita ng kanilang patuloy na pagpapalawak upang mas mapalapit ang kanilang serbisyo sa mga microentrepreneur.

“Habang tinutulungan nating umunlad ang mga sari-sari store, mobile vendor, at lokal na food cart sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanila upang makasabay sa kompetisyon, nakatutulong tayong bumuo ng matatag at nagpapatuloy na lokal na ekonomiya sa ating mga komunidad,” pahayag ni Rilles.

Bukod sa wholesale distribution, nagbibigay rin ang CARD MRI ng mga serbisyong pampinansiyal para sa mga negosyante, kabilang ang access sa kapital at pautang na maaaring gamitin sa pagsisimula, pagpapatakbo, at pagpapalago ng kanilang negosyo.

Pinangunahan nina Torres, Distribution Center Head Pak Sayed Maksalmina, at CARD Ottokonek General Manager and Business Development Head Jeffrey Rilles ang seremonya ng pagbubukas. Dumalo rin sina CARD MRI Managing Director Aristeo A. Dequito, Trece Martires Mayor Gemma Lubigan, at iba pang kinatawan ng lokal na pamahalaan.

Bilang bahagi ng opening celebration, naghandog ang bagong sangay ng Buy 1 Take 1 promo para sa piling produkto, gayundin ng Zumba dancing, free taste, at mga raffle activity para sa mga dumalo.

Unang nagbukas ang CARD Indogrosir ng tindahan nito sa San Rafael, San Pablo City, Laguna noong 2023. Mula noon, patuloy nitong pinalawak ang operasyon sa CALABARZON, Bicol Region, at Oriental Mindoro.

Matatagpuan ang ika-100 sangay sa Lot 3341 D-2-E, Marcius Avenue, Barangay Lapidario, Trece Martires, Cavite, at bukas ito para sa mga walk-in customer na nais bumili ng wholesale products at iba pang paninda.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *