Bam Aquino pinuri ang mga batang Pinoy karatekas na nagpakitang-gilas sa kompetisyon sa China

0
Bam Aquino pinuri ang mga batang Pinoy karatekas na nagpakitang-gilas sa kompetisyon sa China

Pinuri ni Senator Bam Aquino ang mga batang atletang Pinoy na nagbigay ng karangalan sa bansa matapos ang kanilang kahanga-hangang performance sa 3rd Asian Karate Youth Open Championship and Training Camp na ginanap sa Hangzhou, China mula Hulyo 22 hanggang 26, 2026.

Sa Senate Resolution No. 580, kinilala ni Aquino ang husay at dedikasyon ng mga miyembro ng delegasyon ng Pilipinas mula sa Fight Alliance Sports Team-International Shotokan Karate Federation (FAST-ISKF) at Alfonso Karatedo Kobudo Renmei (AAKR) na nakipagsabayan sa mga batang martial artist mula sa iba’t ibang panig ng Asya.

Kabilang sa mga pinarangalan ang 9-anyos na si Romeo Viktor Enriquez ng FAST-ISKF, na nagwagi ng gintong medalya sa Under-10 Male Kumite (+40 kg). Nagtapos din siya sa Top 5 ng Under-10 Male Kata sa kanyang unang international competition.

Samantala, nasungkit naman ng 13-anyos na si Raphael Mariano Herrera, na kabilang din sa FAST-ISKF, ang kanyang ikalawang sunod na bronze medal sa Under-14 Male Kata.

Nakapagtala rin ng magandang performance si Ripley Tate Borromeo, na nagtapos sa Top 5 ng Under-12 Female Kata at Top 7 ng Under-12 Female Kumite.

Kinilala rin ni Aquino sina Ellis Sebastian Canoza at Colin Isaiah Paolo ng FAST-ISKF, na sumailalim sa pagsasanay ni national team coach at dating Karate Pilipinas national team captain Engene Stoner Dagohoy.

Ayon kay Aquino, ang tagumpay ng mga batang karateka ay bunga ng sama-samang suporta at dedikasyon ng mga atleta, coach, magulang, sports organizations, at mga katuwang mula sa pampubliko at pribadong sektor.

Personal ding binati ng senador ang mga batang karatekas at kanilang mga coach sa isang pagpupulong.

Binigyang-diin din ni Aquino ang mahalagang papel ng karate sa paghubog ng disiplina, tiyaga, pagpapakumbaba, katatagan, at tiwala sa sarili ng kabataan, bukod sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataong maipakita ang kanilang kakayahan sa international competitions.

Dagdag niya, nagsisilbing inspirasyon sa iba pang kabataan ang tagumpay ng mga batang atleta upang magsikap, mangarap nang mataas, at abutin ang kahusayan sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, at determinasyon.

Binigyang-diin din ni Aquino ang pangangailangan para sa tuloy-tuloy na suporta sa mga programa para sa youth at sports development upang higit pang mapaunlad ang talento ng mga kabataang Filipino.

Bam Aquino pinuri ang mga batang Pinoy karatekas na nagpakitang-gilas sa kompetisyon sa China

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *