Kung Ano ang Itinanim, Siyang Aanihin

0
Kung Ano ang Itinanim, Siyang Aanihin

BAUKO, MOUNTAIN PROVINCE — Sa likod ng bawat namumukadkad na bulaklak at masaganang ani ay kwento ng tiyaga, sipag, at sakripisyo. Para kay Imelda W. Kidicdian, 59, ang kaniyang hardin ay hindi lamang lugar kung saan tumutubo ang mga halaman, kundi simbolo ng kaniyang pagsusumikap para sa pamilya.

Isang asawa, ina ng tatlong anak, at mapagkalingang lola, si Imelda ay matagal nang nakaugat sa paghahalaman. Nag-aral siya sa University of Baguio, kung saan niya nakilala ang kaniyang asawa. Matapos silang ikasal noong 1990, nagtrabaho siya bilang florist sa Orchidarium sa La Trinidad, Benguet, kung saan nagtitinda siya ng mga sariwang bulaklak.

Kalaunan, nagbukas din siya ng maliit na tindahan upang makatulong sa pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya. Ngunit nagbago ang kanilang pamumuhay nang magdesisyon silang mag-asawa na bumalik sa Bauko, Mountain Province.

Dito unti-unting naging negosyo ang kaniyang dating hilig sa paghahalaman. Gayunman, batid ni Imelda na hindi madali ang paghahanapbuhay sa agrikultura dahil nakadepende sa panahon at ani ang kita.

Dahil dito, noong 2020, nagpasya ang kaniyang asawa na magtayo ng babuyan bilang karagdagang pinagkukunan ng kita.

“Naisip namin na mag-alaga ng baboy bilang dagdag na kita,” pagbabahagi ni Imelda.

Naging malaking tulong ang pag-aalaga ng baboy dahil nagbibigay ito ng dagdag na kita habang hinihintay ang ani ng kanilang mga bulaklak. Nakatulong din ito upang makapagtrabaho si Imelda sa kanilang tahanan habang naaalagaan ang kaniyang mga apo.

Noong 2021, naging kliyente si Imelda ng CARD, Inc. (A Microfinance NGO), kung saan nakakuha siya ng paunang puhunan na ₱5,000. Ginamit niya ito upang makabili ng dalawang sako ng feeds para sa kanilang mga alagang baboy.

Sa paglipas ng limang taon bilang kliyente, naging katuwang niya ang CARD sa pagpapaunlad ng kaniyang kabuhayan at pagtugon sa pangangailangan ng kaniyang pamilya.

“Sa aking limang taon bilang kliyente, naging katuwang ko ang CARD hindi lamang sa pagpapalago ng aking negosyo, kundi pati na rin sa pagsuporta sa mga pangangailangan ng aking pamilya,” ani Imelda.

Habang patuloy na umuunlad ang kaniyang pag-aalaga ng baboy, hindi naman kailanman nawala ang kaniyang pagmamahal sa paghahalaman. Ang dating simpleng gawain ay naging isang masaganang negosyo na patuloy niyang inaalagaan.

Sa ngayon, masagana na ang kaniyang babuyan, habang ang kaniyang hardin ay patuloy na namumukadkad at nagbibigay ng sariwang bulaklak at halaman na dinarayo ng kaniyang mga suki.

Para kay Imelda, walang maliit na pagkakakitaan basta’t ito ay bunga ng marangal na paggawa. Sa bawat buto na kaniyang itinatanim at bawat alagang kaniyang inaalagaan, nakikita niya ang pag-asa para sa kinabukasan ng kaniyang pamilya.

Sa kaniyang kwento, pinatutunayan ni Imelda na ang sipag, tiyaga, at tamang suporta ay maaaring magbunga ng masaganang kabuhayan—sapagkat kung ano ang itinanim, siyang aanihin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *